Tuwing Mahal na Araw, ang aming bahay ay binabalot sa amoy ng gata, mga ugat ng lupa, at ng mga alaala.
Si Lola, maagang bumabangon, nagsisimula sa pagluluto—isang matamis na kwento ng saba mula sa aming bakuran, ng ube, ng kamote, ng landang na tila mutya, nagsasayaw sa mainit na gata.
Siya’y nagluluto ng binignit. Ito’y kadalasang niluluto tuwing Biyernes Santo, isang tradisyon na ipinasa-pasa mula sa kanyang mga magulang, at isang handog sa amin na walang katumbas na tamis.
Ang buong kusina napupuno ng init, ng tamis na yakap, ng simula ng paghihintay.
Ngunit ang paghihintay? O, kay hirap! Lalo na para sa batang pinipilit magtiis, magpigil.
Pinanghawakan ko ang pangako ng pag-aayuno, ngunit natutunaw ito sa amoy, sa tukso ng gulay at isda, sa pangarap na ito’y isang pagkain na wala sa aming hapag.
Si Lola patuloy sa paghahalo sa binignit, parang paghalo sa aking pagtitimpi. “Hindi pa pwede, apo,” wika niya, “Darating ang tamang oras, maghintay ka lang.”
Ngunit gutom na ako.
Kaya, palihim akong lumabas, tumungo sa tindahan, bumili ng hotdog sa stick—mapula, matamis, naliligo sa sarsa ng pinya, at doon ko narinig ang kanyang tinig,
“Apo, tsk, hinahanap kita.”
Lumingon ako. Walang galit sa kanyang mata, ngunit may bigat sa kanyang katahimikan.
Nang hapong iyon, umupo ako sa tabi niya, ang sikmura ko’y muling walang laman. Patuloy siyang humahalo, kasing-bagal ng pag-unawa ko.
“Ang pag-aayuno, hindi ibig sabihin ay gutumin ang sarili,” wika niya, “kundi ang matutong maghintay, paghintay sa tamang panahon.”
Pinanood ko ang binignit na kumukulo—purpura at ginto, landang na tila perlas na lumulutang sa init. Nang sa wakas, inabot niya sa akin ang mangkok, nagmadali akong tikman, at napaso ang dila ko. Napatawa siya, iniabot ang baso ng tubig, “Ang magagandang bagay, apo, ay nangangailangan ng panahon.”
At habang hawak ko ang mangkok ng binignit, umupo ako sa harap ng aming lumang TV—yaong may antenang kailangang ayusin palagi. Naghihintay sa The Ten Commandments, ang paborito kong palabas tuwing Mahal na Araw, kahit ilang beses ko nang napanood, hindi ako nagsasawa.
Ngayon, sa sarili kong kusina, hinahalo ko ang niluluto, kagaya ng ginagawa noon ni Lola. Ang amoy, bumabalot sa akin, puno ng alaala.
Ang binignit ay hindi lang pagkain—isa itong tula ng pagtitimpi, ng tradisyon, ng pagtitiyaga.
At sa unang kutsarang aking tinikman, sa wakas, naunawaan ko, na ang magagandang bagay—ang Mahal na Araw, ang buhay, ang binignit—lahat ay tungkol sa paghihintay.
April 19, 2025
Breathless from your sight and also my pneumonia.