Matalinghaga ang mga Pilipino, mahilig sila sa mga mabulaklak na pananalita, sila’y isang mala-tula na tao. Kahit ano man ang pinag uusapan, sa mga karaniwang bagay-bagay hanggang sa mga pinaka matindi’t mabigat na usapan, lumalabas talaga ang espiritu ni Balagtas. At ano pa bang makaraniwan ngunit mabigat ang mas nakaka higit pa sa kamatayan.
“Patay na siya”
Tatlong salita, apat na pantig, bawat pagbigkas parang tinitinikan ang puso. Pagkarinig parang biglang hindi na maiiwasan na patay na talaga siya, nalalagay sa harapan mo ang kawakasan ng buhay, kinakailangang talakayin na, isipin mo na na mamamatay ka. Nakakumay, nakakakilabot, at nakakalungkot.
Kaya kung ano-anong mga imbentong kasabihan na pwede nating gamitin kapalit sa,
“Patay na siya”
Halimbawa, isang simpleng,
“Wala na siya”
Tatlong salita at apat na pantig parin, pero hindi gaano kadiin sa tenga pakinggan. Maaring isipin na siya’y gumagala lamang, lumalakwatsa kung saan saan, lumalarga doon at wala lang dito, malay mo’y babalik pa mamaya. Hindi sya patay, wala lang siya ngayon.
“Nagpahinga na siya”
Kung kanina’y may lakad ang pumanaw, ngayo’y tuluyang nagbabakasyon na. Hindi lang magaan pakinggan ang “habang buhay na pahinga” kung tutuusin pwedeng sabihin na nakakainggit ang mga di umano’y walang katapusang nagpapahinga. May mga liniligalig sa buhay na nagnanais ng hindi kamatayan kundi ang makapag pahinga lamang sa pagsubok. Ayaw nilang tapusin ang buhay, gusto lang nila ng onting tahimik, konting ginhawa, konting pahinga. Hindi siya patay, napagod lamang siya at ngayo’y nagpapahinga na.
“Kinuha na siya ni Lord”
“Sumakabilang buhay”
Relihiyoso ang karamihang Pilipino, at nakakapanatag sa kaluluwa ng ilan na maniwala na pagdating sa huli ay may makakasalubong silang mataas na kapangyarihan na nagmamahal sa kanila. Kapag may susunod pa na kabanata na inaabangan ayon sa kaniya-kaniyang pananampalataya, nawawala sa paniniwala na ang kamatayan ay kawakasan, may karugtong na hakbang pang humihintay, tuloy ang paglalakbay at magkikita kayo ng nagmamahal na nilalang sa alapaap. Hindi siya patay, nagkita na sila ng Panginoon sa kabilang buhay at siya’y ligtas at masaya.
“Namayapa na”
Salitang ugat, payapa, kapayapaan. Kagaya ng mga pinag usapan na dito, pampa ginhawa ng damdamin na sabihin na pagkatapos ng lahat ng suliranin at bagabag ng buhay na sa huli man lamang, mapayapa matatapos. Hindi siya patay, nasa kapayapaan lang siya.
Ang nakakatuwa lang, lalo na sa balita, ay ang pagpupumilit na sabihin na payapa ang kamatayan na sa totoo lamang ay madalang lang maging mapayapa. Sa gusto man o hindi, walang kapayapaan ang maraming namamatay. Pampagaan ng sariling kalooban sa gitna ng matinding bagabag ay nasa karapatan ng bawat isa sa atin, pero nagsisimula ang problema ko kapag ang matalim na katotohanan ay pinupudpod hangga’t hindi na kayang tumagos sa mga partidong karapat-dapat lang na pagsisihan.
“Nasalba siya”
Galing sa salitang Ingles na “salvage” na ibig sabihin pagsagip o pagligtas sa peligro. Sa dekada 70, paulit ulit na pinapahayag ng pamahalaan ng panahon ang salitang “salvage,” kaligtasan kuno mula sa paghihimagsik. Pagkatapos gamitin ito ng mga mamamatay tao na nagkukunwaring tagapagtanggol ng tao, nasanay na ang tengang Pilipino na iugnay ang “salvage” o “salba” sa katotohanang nakikita nila sa kanilang mata. Mga bangkay, mga patay ang lumilitaw sa isip ng mga karaniwang Pilipino tuwing namamasdan ang salitang di umano ibig sabihin pala pagsagip sa kapahamakan. Kaligtasan nagibang kahulugan, naging karumal dumal na kamatayan. Hindi siya patay, para sa ikabubuti ng bayan daw ang nangyari sakanya.
Masakit talaga pagusapan ang kamatayan, lalo na kapag ang mahal sa buhay ang namatay, at muling ipapaalala na nasa karapatang pantao na talakayin ito ng anumang pamamaraan na gusto mo. Sana lang pagkatapos nyong basahin ito, na sa susunod na may mababalitahan kayong lumaban kuno na “namayapa” pagkatapos ng isang engkwentro, isipin niyo kung namayapa talaga siya o namatay lang.
ABOUT THE AUTHOR
Samuel Mendez II
Breathless from your sight and also my pneumonia.