Habang nagtatanghilain kami nabanggit ng aking ama ang sumusunod:
Ang taong tinutukoy ng tatay ko ay isang lalaking maraming beses na naging sentro ng iilang pag-uusap at pakikipagtalo tuwing kumakain. Halos isang dekada na kaming mag-ama, maging kaming buong pamilya, na nag aaway at nadadala sa sigaw dahil sa iisang tao na ito. Isang tao na kamakailan lang ay walang sawang paghahanga at kung minsa’y pagsasamba sakanya ang nagagawa ng pamilya ko, lalo na ang papa ko. Isang tao na sa tatlumpu’t taong niyang pagiiral sa dyaryo at isipan ng mga Pilipino, ay tunay na nagbigay kahulugan kung anong klaseng bansa at samakatuwid, anong klaseng tao tayo. Ang taong nais makita ng aking ama maghirap at maparusahan ay si Rodrigo Duterte.
Ang nabasa ninyo sa ibabaw ay naganap noong nakaraang sembreak sa huling buwan ng taon. Sa panahon na iyon ay kasalukuyang sumasailalim ang dating pangulo sa isang congressional investigation, at ilang ulit na siyang pinatawag at pinabalik muli sa Maynila ng Kongreso. Nakikita mo ang galit ni papa kay Digong sa bawat talsik ng kanin at laway galing sa bibig niyang nagpapahayag. Ngayon naman, habang sinusulat ko ito, ay isang araw na ang lumipas mula nang binigyan si Digong ng arrest warrant galing sa ICC at dinala sa bansang Netherlands. Alam kong maligaya si papa ngayon, ayaw ko munang kausapin siya para ikumpirma ito pero tiyak ako na masaya siya. Ako rin naman kung tutuusin. Pero nakapagtataka na tiyak rin ako na sa aming dalawa ay mas malamang siya ang mas magaan ang loob ngayon.
Wala akong maihatag na awa kay Rodrigo Duterte. Kahit bawat sulok ng kaluluwa ko ang paghanapin, o bawat bahagi ng konsensya ko ang baliktarin o hilain, walang pagkahabag ang makikita. Walang luhang dadaloy galing sa mata ko sa anumang pagsubok niya at walang pusong titirik sa loob ng katawan ko kung siya mismo ang iiyak. Hinding hindi ako sisimangot kung siya’y liligalig ni magrereklamo kung siya’y masasagupan ng pagdurusa, at kung may pakikiramay mang maririnig sakin sa kamatayan niya ay siguradong ito’y sapilitan at walang kusang lumabas sa bibig ko. Kung ano ang kasamaang palad na darating sa kanya, wala akong pakialam. Nagbinata ako na ubod ng galit para sa kanya, at nananatiling pinapangarap na bubulok siya. Pero sa ngayon nauunawaan ko na kahit panatag parin ako sa suklam at poot at walang nagbago sa nabanggit sa itaas, walang ligaya ang maidudulot pag nangyari ito.
Mahalaga na mapaliwanag ko ito. Sa loob ng sampung taon ay nakita ko kung paano mag manipula ng salita at magpalaganap ng kasinungalingan ang mga alipore’t alipin ng dating pangulo. Kaya kinakailangan maging klaro kung ano ang palagay ko sa taong pinaguusapan natin. Putang ina si Duterte at kung ibabaluktot ninyo ang mga salita ko katulad ng binaluktot ninyo ang bansa natin, putang ina niyo rin. Hindi ito pagtatanggol, mauntog sana siya sa pintuan ng selda niya.
Madaling pagbigyan ang taong Pilipino. Kung mabilisang pagbasa lang sa kasaysayan natin, hindi maiiwasan ang maawa sa lahi natin. Ang aklat na nagpapahayag ng pinagmulan natin at pinagdaanan ng lupang tinatawag nating Pilipinas ay sunod-sunod na kabanata ng pang aapi, pang lulupig, at pang susupil, kung hindi man dahil sa dayuhan ay dahil sa ilang makasariling taumbayan. Nakakalungkot, nakakadismaya, at nakakapag dilim sa paningin. Sanay na tayong maging biktima, kasi kadalasan totoo naman. Sa lahat ng siglo na dumaan mula nang una tayong sinakop ng Kastila hanggang sa kasalukuyang pag uusig na dulot sa walang katapusang pangengeelam ng mga ibang bansa, lugi talaga ang mga Pilipino. At talagang nararapat na isiping kawawa tayo dahil kay Duterte, biktima parin tayo. Pero ang pagkakaiba, at ang kailangan nating suriin sa isa’t isa sa atin bilang Pilipino, ay ang nakakabahala na katotohanan na ginusto natin ito.
Nagaalinlangan ako sa paggamit ng salita na ito. Tuwing nababanggit ang salita na ito ay kadalasan ibig sabihin ay naninisi ang nagsasalita. At bagaman may sanhi ako magbintang, hindi ito ang tunay na panukala ko ngayon. Sa bandang huli ng administrasyon ni Duterte sa kabila ng malawakang balita ng libo-libong biktima ng extra-judicial killings, pagtaas ng presyo habang pagbagsak ng ekonomiya, at pandemyang dumagdag pa sa numero ng mga namatay, ay +81 ang approval rating niya ayon sa SWS. Sa buong termino niya ay hindi bumaba sa +45 ang numerong tanda ng kanyang katanyagan sa taumbayan. Isang statistika na nagbibigay kay Digong ng karangalan bilang pinakaminamahal na presidente ng Pilipinas pagkatapos ng pagbabalik ng demokrasya noong EDSA. Walang maling kayang gawin ang pangulo sa mata ng marami noon, at hanggang ngayon kung makadalamhati ay parang ni isang segundo sa buhay ni Duterte ay nagkasala siya. Hindi ito pagsasakop ng imperyal na dayuhan, hindi rin ito digmaang pinilit sa atin ni militar na diktadura. Ito ay isang popular na pangulo na may popular na administrasyon na nagtupad ng popular na mga patakaran na hanggang ngayon ay nananatiling popular.
Naniniwala ako sa kabaitan o kahit man lang pagiging disente ng karamihan ng tao. Alam kong may mga naloko, hindi na yan maiiwasan. May mga tao na naging saksi sa maling impormasyon, tila na-budol sa pamamagitan ng malawakang kabulaanan na nanlalambot sa karumal dumal na nangyari. Syempre may naganap na ganun. Pero kahit sagana ngayon ang panloloko at sinadyang kasinungalingan, ang napapansin ko ay marami sa mga sang-ayon sa administrasyong Duterte ay hindi sang-ayon dahil sa hindi hustong dahilan, sang-ayon lang sila kasi sang-ayon lang sila.
Nung tinanong ko si papa bakit biglang ayaw na niya kay Digong ay hindi siya makasagot kaagad. Sa lahat ng nabitawan niyang galit nitong huling mga buwan ay ang iyon ding binabanggit niya noon na dahilan kung bakit gusto niya si Digong. Siguro siya rin mismo nakita kung gaano na salungat ang paninindigan niya ngayon kumpara sa nakaraan. Bukod-tangi sa lahat ang yabang kuno ni Duterte sabi ni papa ang pinaka ayaw niya. Ang patuloy na pagmumura niya at masamang ugali niya pag siya’y sinisiyasat ng kongreso. Medyo natulala ako sa pagkadinig ko nun. Hindi rin ako nakasagot kaagad, dahilan rin ay hindi ako makapaniwala sa bagong pananaw na ng aking ama. Pero hindi dahil hindi ko nakikita ang punto niya, kundi dahil kasama si papa sa lahat ng sumusuporta sa dating pangulo noon na pinagpupurihan siya dahil mismo sa kanyang kayabangan. Kasi kung tama ang naaalala ko, hindi ba’t iyon ang isa sa mga malupit na katangian ni Duterte? Hindi ba yun yung dating niya? Kahangahanga siya kasi hindi siya katulad ng mga ibang pulitiko na maraming palusot at patago mag salita. Si Digong simple magsalita at hindi takot kung may maaagrabyado kasi lahat ng totoo naman ay nagdadala ng agrabyado hindi ba? Bakit ngayon ayaw na ni papa ang dating pinaka gusto niya? Malinaw sa akin at sa marami na hindi nakuha sa bighani ni Rodrigo Duterte, wala naman talagang nagbago kay Digong.
Isa sa mga pinaka nakakainis na katangian ni Duterte ay ang katotohanan na hindi naman niya tinatago kung anong klaseng tao siya. Hindi nauubusan ng pagkakataon o panahon kung saan prangkang kinonpirma ni Digong lahat ng mga paninirang-puri sa kanya. Kung tatanungin mo kung madumi ba siya magsalita o manyak ba siya o mamamatay tao ba siya, hindi niya tatanggihin ang akusasyon. Kapag may naninira sa pangalan ni Rodrigo Duterte, si Rodrigo Duterte mismo ang naninira. Kahit na malaganap ang fake news, siya na mismo nagsabi na kasalanan niya ang extra-judicial killings. Ano pa ba ang kailangan mo? Wala na akong ibang madahilanan kundi ang sang-ayon ka.
Hindi ko kayang gawin na matuwa na pareho na kaming pananaw ni papa. Na sa unang beses ay hindi ko na kailangan mag ingat sa pananalita para hindi magaway kaming mag-ama. Nag aatubili ako sapagkat kahit na tumama na ang isipan ng papa ko, ganun na lamang ba kasimple pabayaan ang nangyare? Paulit ulit na lang na gusto niya ang kasalukuyang pangulo at nang bumaba na sila ay biglang kalaban na sila ng bayan, tatlong beses ko na nakita ito sakanya at kung papayag ang Diyos ay tiyak akong magiging apat iyon. Pero ngayong nagsimula na ang huwisyo kung gumawa si Rodrigo Duterte ng krimen laban sa sangkatauhan, basta basta na lang ba tayo magpapatuloy na di man lang magwawari kung bakit nangyari ito at bakit pinayagan at hinikayat natin ito?
Wala na akong ganang makipag away, isang dekada ko na kayo pinagtatalunan. Simula ng unang nagingay si Duterte sa 2016 ay naging karaniwan na ang uri ng pananalita at pagiisip ngayon na agresibo at uhaw na uhaw sa dugo at pagbabalewala ng buhay. Hindi lang sa kalsada lumalabas ang kaharasan, nasa dila ng bawat Pilipino rin. Umabot na sa punto kung saan ang pinag awayan ay hindi isa o dalawang partikular na karapatan, kundi ang buong konsepto ng karapatang pantao na ang pinagtatanggol. Kung makasalita ang iba ay parang sila mismo hindi tao at hindi kasama sa karapatang pantao na binabatikos nila. Napapatanong ka kung sila ba’y mga aso na hindi nangangailangan ng karapatan? O baka sila’y baboy at baka lamang na pwedeng katayin kung ninanais, o bungang prutas na kailangang ipitas pag hinog na. Kung may iisang karapatan akong maisip na pinaka kinagagalitan nila, ito ang karapatang mabuhay. Prangkahan lang, may mga pinaniniwalaan silang tao na sa tingin nila ay walang karapatan mabuhay, na isang singot ng droga ay para sa kanila katumbas ng pagiging aso. Na sila’y baboy at baka na dapat lang katayin, o mga bunga na kailangan nang pitasin. Pamilya ko mismo hindi ko nakayang baguhin ang isip, kung makakutya sa pagbanggit ng human rights ay parang sarili nilang pagkatao ang inaalipusta. Sa lakas ng gayuma ni Digong sa kanila, hindi parin makapaniwala ako na nagbago nga ang isip nila. Paano nila kayang gawin na magisip at magsalita ng ganun katindi, na lumaban sa ideya na ang mga tao ay dapat may karapatan at sumama sa madlang tao na kung makasigaw ay para nais nilang sila mismo ang pipisil sa baril. Tama naman sila sa pagbabagong isip, pero hinding hindi ko maiintindihan kung paano ka sa isang minuto ay pumapalakpak sa pagpatay ng libo-libong kabayan mo at sa susunod ay biglang naghahanap ka na ng hustisya laban sa mga pumalakpak, na wala man lang sariling pagsusuri?
May parada ng motorsiklo sa labas ng dorm ko ngayon, bumubusina bilang suporta para sa dating pangulong bagong kulong. Buong bansa kung saan saan ay daan daang tao ang nananalangin at parang nakikiramay para sa taong siya mismo umamin sa mga pinagbibintangan sakanya. Hindi na kailangang sabihin, hindi lahat nagbago ang isip katulad ng papa ko. Nawawala ang hindi lang gana kundi ang pag-asa sa puso ko kapag magsalita sila. Nakapagtataka lang. Anong kailangan para masabi mong tama na? Kailangan pa bang sarili mong kilala ang mamatay? Kinakailangan bang umabot sa punto na iisa isahin tayong lahat? Bahala na kung hindi kayo naaawa, wala na akong magawa diyan hindi pwede sapilitan ang moralidad. Pero ako, kahit ako hindi awa ang una kong naiisip kasi bago pa ako kayang mag isip ay nasisikmura na ako. Hindi ka rin ba nasusuklam? Sa tuwing nakikita mo na nasa tatlumpu’t libo ang namatay sa war on drugs, hindi ka ba nasusuka tuwing naiisip mo kung gaano karaming bangkay iyon? Hindi ka ba nahihilo sa rami ng nabudya, naulila, at nawalan ng mahal sa buhay dahil sa tatlumpu’t libong pinatay? Hindi ka ba nalulula sa mga namatay na hindi man lang nanggamit pero nahanap lang na nasa maling lugar at maling oras? Hindi ka ba naduduwal noon nung bawat pahina ng dyaryo at balita sa gabi ay araw araw may iilang bagong namatay? Paano mo pa kayang gawin na hindi nahihibang sa lahat ng nangyari? Anong Pilipinas ang pinaroroonan mo na kaya mong hindi mamutla? O baka kaya anong namamalagi sa pagkatao mo na hindi ka nandidiri sa tinaguyod mo?
Kapag may nagyoyosi na namatay sa kanser sa baga, ito’y nakakaawa. At kaya nating sisihin ang malawakang pagpapalaganap ng industriyang tabako, o sa dekadang pagpursugi ng industriya na iyon sa pag takip at pag manipula ng datos at siyensya na nagpapatunay na nakakapinsala ang sigarilyo sa katawan. Pero matagal narin natin alam iyan, at marami pa rin ang naninigarilyo. Kaya tuwing nakikita kong sinisipsip ni papa ang pwet ng Marlboro niya, naaawa ako kapag inuubo siya pero alam kong ginusto niya yan.
Kapag libo-libo na ang namatay hindi pwedeng walang mananagot, at kung ganun karami ang pinaghukayan ng lupa hindi naman ata iisa lang ang may sala. Patuloy pa rin ang pagdaloy ng panahon, hindi natin maiiwasan iyan kaya diretso pa rin dapat. Pero sana naman marunong tayong magsiyasat sa sarili, tumingin sa salamin kung dati kang sang-ayon sa nangyari at maghanap ng masasabing palusot sa langit kung nananatiling sang-ayon. At bilang isang bansa, sana dilat na ang mata at gising na tayo kung gaano tayo naging kasabwat o gaano kalalim ang kasalanan na dulot sa ating pagwawalang bahala. Bago tayo maligaya at maganunsya na tapos na ang laban, sana magtaka tayo kung bakit nauna pa ang korte ng dayuhan sa paglilingkod ng hustisya sa sarili nating hudikatura. Bakit hindi natin nakayang panagutan siya? Kung ang mga Kastila, Amerikano, at Hapon dapat managot sa ginawang kasalanan laban sa atin, sino ang dapat mananagot kung tayo mismo ang gumawa na?
Breathless from your sight and also my pneumonia.